Sa pamamagitan ng isang privilege speech ay kinastigo ni Senator Francis Tolentino ang pagbuo ng mga Implementing Rules and Regulations (IRR) na taliwas sa itinatakda o layunin ng naipapasang batas.
Ayon kay Tolentino, base sa kanilang research ay nasa 50 hanggang 60 batas na ang may nakakalitong IRR na dahilan kaya hindi maipatupad ng maayos at tama ang batas.
Inihalimbawa ni Tolentino ang IRR ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) at ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) ng PhilHealth.
Sabi naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, minsan ay nabibigyan ng maling interpretasyon ang batas tulad ng Anti-Terrorism Law kung saan gustong ipasok sa IRR ang pag-regulate sa social media na hindi aniya nararapat.
Ipinunto pa ng mga senador na may mga batas ang hindi maipatupad dahil sa kawalan ng IRR kung saan inihaimbawa ni Senator Lito Lapid ang Free Legal Assistance Act na ini-akda nya noong 2010 pa.
Dahil dito ay inirekomenda ni Tolentino na payagan sana ang mga mambabatas na sumama sa mga ahensyang bumabalangkas sa IRR.
Mungkahi rin ni Tolentino ang pagbuo ng Senado ng oversight committee para masigurong tugma sa nilalaman ng batas ang isinusulat na IRR.
Tugon naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, pag-aaralan ng Committee on Rules kung pwedeng magkaroon ng mekanismo ang senado na i-monitor ang pagpapatupad ng mga ipinasa nilang batas.