Manila, Philippines – Sa halip na China-Philippines joint investigation ay iginiit ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang pagbuo ng independent body na siyang magsisiyasat sa Recto Bank incident.
Ayon kay Drilon, katulad ito ng Feliciano Commission na binuo noong panahon ni dating Pangulong Gloria Arroyo at siyang nag-imbestiga sa 2003 Oakwood mutiny.
Inihalimbawa din ni Drilon ang Melo Commission na siyang nag-siyasat naman sa mga kaso ng political killings noong Arroyo administration.
Sabi ni Drilon, magiging trabaho ng independent body ang mag-imbestiga at maglatag ng rekomendasyon na isusumite sa Kongreso at kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Mungkahi ni Drilon na maging miyembro ng independent body ang mga personalidad na kilalang walang kinikilingan tulad ng retiradong mahistrado ng Korte Suprema.
Paliwanag ni Drilon, mas may kredibilidad kung isang independent body ang mag-imbestiga sa pagbangga ng isang Chinese vessel sa Filipino fishing boat sa halip na ikasa ang isang joint investigation na maaring makaapekto sa ating soberenya at national pride.