
Hinihintay pa rin ng grupo sa sektor ng agrikultura ang mga ahenisya ng pamahalaan na bumuo na ng national council para tuluyan masugpo ang smuggling, hoarding, at profiteering.
Sa media forum sa Maynila, sinabi ni Agapa Partylist Representatives at Pork Producers Federation of the Philippines (PPFP) chairperson Nick Briones na tila walang ginagawang hakbang ang kaukulang mga ahensiya ng pamahalaan para may masampolan sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Aniya, nakausap na niya ang mga dapat bumuo ng council na kinabibilangan ng Department of Trade and Industry (DTI), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Finance (DOF), at Department of Agriculture (DA) pero hanggang ngayon ay wala pa rin silang ginagawa.
Giit ni Briones, mahalaga na maitatag ang konseho dahil sila ang maglalatag ng polisiya at bubuo ng enforcement group para mahuli, makasuhan at mapanagot ang mga smuggler, hoarder, at profiter.
Nananawagan din siya kay Pangulong Bongbong Marcos na tutukan na ang isyu upang hindi mabalewala ang naging banta nito laban sa mga smuggler kung saan atasan sana niya ang nararapat na ahensya na kumilos para mapalakas ang nasabing batas.