
Tiniyak ng Department of Agriculture o DA na tuloy na tuloy ang paglarga ng Rice for All Program sa mga supermarket.
Ito ay kahit pa kinumpirma ng DA na mayroong mga supermarket ang umayaw sa programa dahil sa dehado umano sila mula sa mga bigas na galing sa gobyerno.
Ayon kay Agriculture Spokesman Asec. Arnel de Mesa, kahit na mayroong hindi sumamang mga supermarket, mas marami naman umano at malalaking chain ng supermarkets ang suportado ang Rice For All Program.
Batay sa resulta ng pakikipagpulong ni Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., sa mga may-ari ng supermarket sa mga nakalipas na linggo.
Paliwanag pa ng Kalihim maliban sa mga supermarket, sasali rin umano ang ilang mga convenience store sa programa upang magbenta ng 38 pesos kada kilo ng bigas sa ilalim ng Rice for All.
Target ng DA na maisakatuparan ang bentahan ng murang bigas sa mga supermarket at convenience store sa ikalawang linggo o akinse ng Pebrero.