Nanawagan si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na buuin agad ang Marawi Compensation Board para maasikaso na ang pagbibigay reparation o danyos sa mga nasirang bahay, negosyo, ari-arian at mga biktima ng 2017 Marawi Siege.
Paliwanag ni Adiong, bagama’t nasa 80% na ang natapos sa rehabilitation program para sa Marawi City ay iniulat ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) na nasa 85,335 na indibidwal o mahigit 17,500 na household pa ang internally displaced kabilang na mismo ang kinatawan.
Ayon sa kongresista, ang rehabilitasyon ng lungsod ay hindi lamang nakabatay sa naisaayos na imprastraktura ngunit lalo’t higit sa pagbangon ng mga residente.
Binanggit ni Adiong na Abril ngayong taon o Duterte administration nang ipasa ang Marawi Siege Compensation Act of 2022.
Pero diin ni Adiong, ang implementasyon ng nasabing batas ay nakadepende sa paglikha ng Marawi Compensation Board.