Nagagawa ng pamahalaan na maialis ang ‘silo mentality’ sa trabaho sa tulong ng pagbuo ng iba’t ibang task forces kabilang ang may kinalaman sa pandemic response.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang paglikha ng iba’t ibang task forces ay nagbibigay ng ‘synergy’ at coordination sa iba’t ibang government agencies.
Ang ‘workplace silos’ ay nangyayari kapag ang mga empleyado sa iba’t ibang departamento ay walang koordinasyon at walang maayos na komunikasyon, dahilan para bumaba ang productivity.
“Ang style of management dito sa administrasyon ni Pangulong Duterte is we’re breaking silos between and among agencies. And through the task forces that are created, we are able to create synergy and coordination ng efforts ng lahat ng mga agencies and departments involved,” sabi ni Nograles.
Aniya, nakikita naman ang maayos na kolaborasyon ng iba’t ibang ahensya sa tulong ng task forces.
Binigyang diin ni Nograles ang ‘whole-of-government’ approach sa pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon lalo na sa pandemya.
Matatandaang bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte ng dalawang bagong task force – ito ay ang National Employment Recovery Strategy (NERS) na nakatutok sa displaced workers at ang task force na nakatuon naman sa pagbibigay ng lupain sa mga dating rebelde.