PAGBUO NG TASK FORCE CAUAYAN CITY SHIELD, IPINANUKALA NG PNP

Cauayan City, Isabela- Ipinanukala ni PLtCol Sherwin Cuntapay, hepe ng Cauayan City Police Station ang pagbuo ng Task Force Cauayan City Shield sa ginanap na pulong ng LGU sa City Council kahapon kasunod na rin ito ng pagkakatala ng dalawang magkasunod na insidente ng pamamaril sa Lungsod na kung saan ay nagpapatuloy pa ang malalimang imbestigasyon ng kapulisan hinggil dito.

Ayon kay PLtCol Cuntapay, inilatag nito sa konseho ang planong pagbuo ng TaskForce Cauayan City Shield na dapat bumuo rin ng sariling Checkpoint ang bawat barangay para matulungan ang kapulisan sa pagbabantay sa kalunsuran at nang maiwasan ang mga naitalang insidente o krimen.

Ang Taskforce Cauayan City Shield ay bubuuin ng mga kasapi ng PNP Cauayan, LGU, POSD, Brgy Officials, Tanod, at ng Tactical Operations Group (TOG) 2 ng Philippine Air Force.

Hinihiling naman ng Hepe ang kooperasyon at tulong ng buong komunidad dahil malaki aniya ang ambag ng taong bayan sa pagpapanatili ng seguridad ng bawat Cauayeño. Ayon kay Cuntapay, maluwang ang Siyudad ng Cauayan kaya hindi aniya sapat ang pwersa ng PNP para mapigilan lahat ang mga masasamang balak ng mga kawatan.

Umaasa naman ang Hepe na aaprubahan din agad ng City Council ang kanyang panukala upang sa ganon ay mapagplanuhan na nila ito ng mabuti at maipatupad na rin dito sa Lungsod ng Cauayan.

Naniniwala si Cuntapay na magiging epektibo ang TaskForce Cauayan City Shield sa layuning masawata ang anumang di magandang plano o binabalak ng mga masasamang elemento.

Bukod dito, sinabi pa ng Hepe na walang dapat ipangamba ang mga Cauayeño dahil titiyakin pa rin naman ng kapulisan ang kaligtasan ng bawat isa sa pamamagitan ng kanilang pagseserbisyo ng bente kwatro oras lalo na sa mga downtown area ng Lungsod.

Samantala, hiniling ngayon ng PNP Cauayan ang pakikipagtulungan ng mga nakakita o witness sa nangyaring pamamaril sa brgy San Fermin at Brgy Ling-lingay upang sa ganon ay mas mapabilis pa ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang ikareresolba ng mga naturang krimen.

Facebook Comments