Kinalampag ng isang election watchdog ang pagbuo ng Commission on Elections ng isang task force upang tutukan ang mga vote-buying incidents sa bansa ngayong panahon ng kampanya.
Sa interview ng RMN Manila kay Kontra-Daya Convenor Professor Danilo Arao, sinabi nito na hindi na kailangan pang buuin ang task force ‘kontra-bigay’ upang tutukan ang mga ganitong insidente.
Ayon kay Arao, sakop na ng kapangyarihan ng Comelec ang mag-imbestiga at mapanagot ang mga nasa likod ng mga vote-buying incidents partikular ang mga malalaking pulitiko.
Dagdag pa nito, kadalasan kasi ng mga nakakasuhan ng vote-buying ay ang mga supporters habang ang mga pulitikong nahuhuli sa akto ay mabilis na nakakalusot.
Samantala, nanawagan din si Arao sa Comelec na madaliin ang pag-upload ng precinct finder upang maitanggal na sa listahan ang mga yumaong botante sa panahon ng pandemya.
Hinimok din nito ang poll body na makipag-ugnayan sa Philippine Statistics Authority (PSA) upang maiconsolidate ang kanilang masterlist.