Pagbuo ng task force laban sa teenage pregnancy, iminungkahi ng isang senador

Inirekomenda ni Senator Imee Marcos ang paglikha ng Task Force na magbabantay sa implementasyon ng Executive Order 141 na tutugon sa isyu ng teenage pregnancies.

Sa ilalim ng EO 141 na inisyu noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, itinuturing na “national priority” ang pagpigil sa tumataas na adolescent pregnancy.

Sa pagdinig ng Senado, iginiit ni Sen. Marcos na bumuo na lamang ng task force sa halip na councils na siyang magbabantay sa implementasyon ng EO 141 at iba pang mga batas patungkol sa pangangalaga sa kapakanan ng mga kabataan.


Ayon kay Marcos, mas mainam ang pagkakaroon ng task force na maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang dalawang taon o hanggang sa maresolba ang nasabing problema kumpara sa pagtatatag ng permanenteng council.

Naunang sinabi sa pagdinig ni Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Executive Director Romeo Dongeto na may binuong national action plan kasunod ng pag-iisyu ng EO pero hindi ito naipatupad.

Umasa rin umano sila na dahil sa EO ay mamadaliin ng Department of Education (DepEd) ang rollout ng comprehensive sexuality education pero wala ring nangyari rito.

Iginiit naman ni Council for the Welfare of Children Usec. Angelo Tapales na mas kailangan ng batas para ganap na maipatupad ang pangangalaga at paglaban sa pagtaas ng teen pregnancies sa bansa.

Facebook Comments