PAGBUO SA SMCDA AT CRBDA NA PROPROTEKTA SA KALIKASAN, ISINUSULONG NI ISABEL 6TH REPRESENTATIVE DY

Naghain ng panukalang batas si Isabela 6th District Representative Faustino ‘Inno’ Dy V na nagmumungkahi ng paglikha ng Sierra Madre Conservation and Development Authority (SMCDA) o ang House Bill No. 1214 na layong tutukan ang pangangalaga sa Inang kalikasan.

Sa isang pahayag, sinabi ni Dy na malaki ang naitutulong ng Sierra Madre mountains sa pagprotekta sa mamamayan laban sa mapaminsalang kalamidad gaya ng bagyo.

Binigyang-diin ni Dy ang papel ng Sierra Madre bilang “storm barrier” ng Luzon na nagpoprotekta sa buhay ng mahigit 50 milyong Pilipino at binigyang-diin ang pangangailangang itigil ang patuloy na pagkasira nito.

Pangungunahan ng SMCDA ang pagbabalangkas at pagpapatupad ng isang komprehensibong pangmatagalang plano upang pangalagaan at protektahan ang mga mapagkukunan sa loob ng 540-kilometrong bulubundukin.

Bilang nangungunang ahensya para sa Sierra Madre, ang SMCDA ay makikiisa at mag-uugnay sa mga pagsisikap ng iba’t ibang LGU at ahensya ng gobyerno.

Bukod pa rito, hinimok din niya ang pagsasagawa ng deliberasyon sa House Bill No. 1136 na bubuo naman sa Cagayan River Basin Development Authority (CRBDA).

Ang CRBDA ay may tungkulin sa rehabilitasyon, pagpapaunlad, at proteksyon ng mga daluyan ng tubig na bumubuo sa Cagayan River Basin.

Magbibigay din ito ng pangkalahatang pagpaplano at pamamahala, pag-uugnay sa mga pagsisikap ng iba’t ibang ahensya, institusyon, at mga yunit ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng basin na nabuo ng 520-kilometrong ilog, na dumadaloy sa mga lalawigan ng Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, at Quirino.

Facebook Comments