Kinalampag ngayon ng Gabriela sa Kamara ang pagbuwag sa susunod na Kongreso ng mga Regional Wage Boards at pagpapasa na lamang ng panukala na magtatalaga ng P750 na National Minimum Wage.
Sa pagdiriwang ngayon ng Labor Day, iginiit ng grupo na napapanahon ng bawiin ang kapangyarihan ng mga Regional Wage Boards dahil hindi pantay ang kanilang wage formulation.
Giit pa ng grupo, malinaw sa rekord ng Wage Boards na mula 1989 ay wala itong nagawa at barya-barya lang ang ibinibigay na dagdag-sahod sa mga manggagawa sa kabila ng makailang ulit na tumaas ang presyo ng mga bilihin.
Sa huli, ay nanawagan din ang grupo sa gobyerno na tugunan ang isyu ng gender-based wage differentials na talamak ngayon sa ilang kumpanya dahil mas mababa ang kita ng ibang mangagawang kababaihan kumpara sa mga kalalakihan.