Pagbuwag sa VFA, ipinarerekonsidera sa pamahalaan

Hinimok ni National Defense and Security Vice Chairman at Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon sa pamahalaan na irekonsidera ang planong pagbuwag sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ito ay sa gitna na rin ng muling pagpapanumbalik ng relasyon ng Pilipinas sa kasalukuyang administrasyon ni US President Joseph Biden Jr., matapos na tiyakin ni US Secretary of Defense Lloyd Austin III kay Defense Sec. Delfin Lorenzana ang commitment ng Estados Unidos sa bansa sa US-Philippines Alliance, sa Mutual Defense Treaty (MDT) at sa VFA.

Ayon kay Biazon, dahil na rin sa muling pag-init ng relasyon ng Pilipinas at US ay isa itong magandang pagkakataon para irekonsidera ang terminasyon ng VFA na naunang napagdesisyunan bunsod ng hindi magandang ugnayan ng pinalitang US administration at ng gobyerno ng bansa.


Naniniwala si Biazon na ang pagbuti ng relasyon sa US ay magiging advantage sa bansa at epektibong tugon laban sa batas na ipinasa ng China na nagbibigay karapatan sa Chinese Coast Guard na gumamit ng armas laban sa mga Pinoy na mangangahas na pumasok sa kanilang teritoryo.

Sa pag-uusap nila Austin at Lorenzana ay natalakay ang kahalagahan ng pagpapaigting sa Armed Forces of the Philippines (AFP) gayundin ang pagtaas sa capability at interoperability sa pagitan ng sandatahan ng dalawang bansa.

Natalakay rin ng dalawang Defense Secretaries ang mga nararanasang hamon sa seguridad tulad ng West Philippine Sea, counter-terrorism, maritime security at 2016 Arbitral Tribunal ng Pilipinas laban sa China.

Facebook Comments