
Itinanghal si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro H. Tengco bilang Best Entertainment Tourism Leader sa 32nd Skål International Makati Tourism Personality Awards na ginanap noong Huwebes, Pebrero 26, sa Grand Ballroom ng Okada Manila.
Kinikilala ng taunang parangal, na inorganisa ng Skål International Makati, ang mga indibidwal at institusyon na may malaking ambag sa pagsusulong ng turismo sa bansa.
Patunay ang nasabing pagkilala kay G. Tengco sa lumalaking papel ng PAGCOR sa entertainment at integrated resort sector. Sa ilalim ng kanyang pamumuno, itinulak ng ahensya ang regulated gaming hindi lang bilang pinagkukunan ng kita ng gobyerno kundi katuwang din sa pagpapalago ng turismo.
“While many see us primarily as a gaming regulator, we see ourselves as partners in promoting destinations, creating jobs, and strengthening the tourism ecosystem that improves the lives of millions of Filipinos,” ani G. Tengco sa kanyang acceptance speech.
Binigyang-diin din niya na ang maayos at responsableng pamamahala ng integrated resorts ay nakatutulong sa pag-akit ng lokal at dayuhang turista, pagpapalago ng lokal na negosyo, at paglikha ng hanapbuhay sa mga komunidad.
Bukod sa regulatory mandate nito, pinalawak din ng PAGCOR ang suporta sa sports tourism, kabilang ang kamakailang pagsali nito sa National Sports Tourism Inter-Agency Committee na naglalayong itaas ang antas ng industriya sa pamamagitan ng pagdadaos ng malalaking sporting events na lumilikha ng kita at magandang imahe sa loob at labas ng bansa.
Kabilang din sa mga pinarangalan sina Kyle Jennerman para sa Social Media Content; Lance Tan para sa Best Amusement and Entertainment Entity; Seferina Joven bilang Tour Operator of the Year; Crystal Jacinto para sa Best Health and Wellness Tourism; Takako Okada para sa Outstanding MICE Property; Kevin Tan para sa Best Integrated Hotels and Resorts; Margarita Nograles para sa Best Government Institution; at world champion gymnast na si Carlos Yulo, na tumanggap ng Icon Award for Sports Tourism.














