Iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na obligahin na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na magkaroon ng Gaming Employment License (GEL) IDS ang kanilang mga empleyado.
Ito ang pahayag ni Salceda sa harap ng inaasahang pagbabalik-operasyon ng POGOs.
Paliwanag ng Kongresista, makatutulong ang GEL IDS para madaling matukoy ng gobyerno kung aling POGOs ang lehitimo at may kakayahang magbayad ng tamang buwis.
Para sa GEL IDS na ibibigay ng PAGCOR sa bawat empleyado ng POGO, dapat maglaman ito ng Taxpayer Identification Number (TIN) at Bureau of Internal Revenue (BIR) work permit number.
Dapat rin anyang magprisinta ang POGO workers na karamihan ay mga Chinese ng certification na dumaan sila sa cultural seminar kung saan tuturuan sila ng tamang asal sa pilipinas.
Gayundin, kailangan nilang magsumite ng clearance na sumailalim sila sa testing at COVID-free.
Pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang partial operation ng pogos dahil ayon sa PAGCOR ay makatutulong ito para makalikom ng pondong pandagdag para sa COVID-19 response ng gobyerno.