Pagdagsa ng Maraming OFW at LSI sa Isabela, Pinaghahandaan na

Cauayan City, Isabela- Inaasahan na ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela ang pagdating ng maraming locally stranded individuals (LSI) at Overseas Filipino Workers (OFW) sa probinsya.

Ito ang sinabi ni Retired Brigadier General Jimmy Rivera, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Kaugnay nito, nagkaroon ng conference ang PDRRMC kasama ang mga City/municipal Health Officers at City/municipal DRRMO’s na maghanda ng localized zoning containment strategy para sa pagdating ng mga returning Overseas Filipino workers at LSI sa Isabela.


Gayunman, mayroon na aniyang mga protocols ang ipinatutupad ng mga LGU’s para sa mga umuuwi sa probinsya sa ilalim na rin ng Balik Probinsya Program upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng Corona virus disease sa Lalawigan.

Una nang naglabas ng Memorandum Order 2020-02 si Isabela Governor Rodito Albano III na kinakailangan pa rin isailalim sa swab test ang lahat ng mga uuwing LSI at OFW kahit na nakapag-quarantine at nagnegatibo sa swab test sa Manila.

Nais lamang aniya ng ating Gobernador na pigilan ang pagkalat ng COVID-19 at mapangalagaan ang kalusugan ng bawat Isabelino.

Ayon pa kay Ret. Gen. Rivera, hindi dapat kinakatakutan ang mga umuuwing LSI at OFW kundi kaawaan at intindihin ang mga ito dahil sa kanilang sitwasyon lalo na sa mga nawalan ng trabaho at naabutan ng lockdown na hindi na agad nakabalik sa Isabela.

Pakiusap naman nito sa publiko na sumunod lamang sa mga protocol ng DOH at makipagtulungan sa pamahalaan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Facebook Comments