Patuloy na gumagawa ng paraan ang lokal na pamahalaan ng Maynila para makontrol at maipatupad ang minimum health protocols sa may bahagi ng Divisoria.
Kaugnay nito, nagdagdag na ng mga tauhan si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa paligid ng Divisoria na siyang magbabantay at magpapaalala sa mga mamimili na sumunod sa pinapairal na protocol kontra COVID-19.
Bukod dito, ipinaliwanag ni Moreno sa isang panayam na ang paglabas ng mga menor de edad ay nakadepende sa lokal na pamahalaan kung babaguhin nila ang kanilang ordinansa.
Nauna nang umapela ang MPD Station 2 sa mga magtutungo sa Divisoria na magkaroon ng disiplina sa sarili, malasakit sa kapwa at sumunod sa pinapairal na health protocols.
Ayon kay MPD Station 2 PSMS Gerardo Tubera, kahit anong kautusan o batas ang gawin ng gobyerno kung ang publiko ay hindi marunong mag-ingat, pabaya at walang pakialam sa kapwa ay maaaring kumalat ang virus.
Dahil dito, pinayuhan niya ang mga magpupunta sa Divisoria na magdoble ingat, tiyaking magsuot ng face mask at face shield, dumistansiya sa ibang tao at panatilihin ang disiplina upang makaiwas COVID-19.