Pinuri ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd District Representative Joey Salceda ang pagdalo ni Pangulong Bongbong Marcos sa Asia-Pacific Economic Cooperation 2022 (APEC) Summit sa Bangkok, Thailand na higit na nagpatatag sa pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa ibang mga bansa.
Pangunahing tinukoy ni Salceda ang higit na pagpapalakas ng matagal ng pagkakaibigan ng France at Pilipinas na tiyak magpapa-igting sa kanilang kooperasyon lalo na sa usapin ng nuclear energy.
Binanggit din ni Salceda ang pinag-ibayong ugnayan ng Pilipinas at Saudi Arabia, kasama ang kanilang kasunduan na paglalaan ng ₱30.5 billion para mabayaran ang mga manggagawang Pinoy doon gayundin ang pagbubukas pa ng mas maraming oportunidad sa ating mga kababayan.
Ikinatuwa rin ni Salceda ang ginawang diplomatic balance ni PBBM sa mahusay na pakikitungo sa China kasabay ng pagpapalakas ng military partnership sa ating mga tradisyunal na kaalyado gaya ng Estados Unidos.
Tiwala rin si Salceda sa magandang ibubunga ng posibleng pagbisita ni Pangulong Marcos sa Vietnam na isa sa ating malapit na kaalyado lalo na pagdating sa maritime issues.