Pagdalo nina Senators Dela Rosa at Go sa drug war probe ng Senado, hindi makakaapekto sa kredibilidad ng imbestigasyon -Sen. Pimentel

Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi makakaapekto sa kredibilidad ng imbestigasyon ng Senado ang presensya nina Senators Ronald “Bato” dela Rosa at Christopher “Bong” Go sakaling dumalo ang mga ito sa drug war probe ng nakaraang Duterte administration.

Ang reaksyong ito ng senador ay kaugnay na rin sa naging apela ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña na mag-indefinite leave sina Dela Rosa at Go habang ongoing ang imbestigasyon ng Senado sa war on drugs dahil ito umano ay nagpapakita ng conflict of interest at nagpapahina sa pagsisiyasat ng Mataas na Kapulungan.

Ipinunto ni Pimentel na siyang mangunguna sa subcommittee ng Senate Blue Ribbon na mag-iimbestiga sa war on drugs na hindi naman ang dalawang senador ang magpe-preside sa pagdinig.


Hindi rin aniya dapat makaapekto sa kredibilidad ng institusyon ang pagdalo ng mga mambabatas na nakakaladkad ang pangalan sa diumano’y pagmamalabis sa implementasyon ng programa.

Dagdag pa ni Pimentel, mas dapat pa ngang hikayatin ang mga mambabatas na magpakita ng interes sa naturang imbestigasyon sa halip na paiwasin sila rito.

Facebook Comments