Pagdamay sa mga “Legal Fronts” sa Umanoy Aarestuhin, Pinangangambahan

Tuguegarao City, Cagayan – Ipinahayag ng Danggayan Dagiti Mannalon Cagayan Valley o DAGAMI, isang organisasyon ng mga magsasakang bumabatikos sa mga ilang polisiya ng pamahalaan at mga mali sa lipunan ang agam-agam ng kanilang hanay.

Ito ang reaksiyon ni Ginoong Isabelo Adviento, pinuno ng DAGAMI sa Rehiyon Dos na kasapi sa Anakpawis Partylist sa panayam ng RMN Cauayan News Team sa pahayag ng pangulo tungkol sa umano’y pakikipagsabwatan ng mga tinataguriang “legal fronts” sa NPA na kung saan ay kasama ang kanilang grupo.

Magugunita na sa talumpati ng pangulo sa Nueva Ecija noong isang linggo ay kanyang sinabi na ipapaaresto niya ang mga komunista kasama na ang mga kasapi ng “legal fronts”.


Pinirmahan rin ng pangulo ang Proclamation 360 na nagdedeklara sa pagputol sa peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Kapag umano malagay sa peligro at ligalig ang mga organisadong grupo na nag-aadbokasiya ng mga lehitimong mga isyu ay mawawalan na ng masusulingan ang mga tao at malamang ay sasapi na lang sila sa mga rebelde. Aniya, ito ay mas lalong magpapalala sa problema sa bansa.

Naranasan umano ito sa panahon ni Marcos noong dineklara ang martial law at noong panahon ng Oplan Bantay Laya sa panahon ni Arroyo.

At sa mga panahong yaon umano ay nadagdagan ang bilang ng mga sumapi sa mga rebeldeng NPA.

Kasabay nito ay kanyang sinabi na ang pinakamaganda pa rin ay ang pagpapatuloy ng usapang pagkapayapaan upang matapos ang mga isyung di pa nareresolba sa bansa.

Facebook Comments