Naniniwala ang negosyanteng si Joey Concepcion, miyembro ng public sector advisory council na hindi dahil sa pagtatanggal na ng obligadong pagsusuot ng face mask ang dahilan ng pagdami ngayon ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Concepcion na ito ay dahil sa maraming indibidwal ang tumatangging magpaturok ng booster shot.
Aniya, hangga’t maaari kailangan na talagang magbukas ang ekonomiya pero dapat din naman pag-ingatan na hindi na dumami pa ang mahahawaan ng sakit.
Giit ni Concepcion, kailangan pa ring ng pag-iingat dahil nariyan pa talaga ang COVID-19 lalo na’t marami na ang nasa labas at masigla na ang galaw ng mga tao.
Importante aniya ang mobility lalo na sa sektor ng turismo para umunlad ang ekonomiya dahil kung hindi ay mas kokonti ang pag-ikot ng pera at mas mabagal ang usad ng ekonomiya.
Kaya naman, dapat aniyang sabayan ito ng pagtaas din ng bilang ng mga mababakunahan o mabibigyan ng booster shot para mag-improve ang level of immunity.