Ikina-alarma ni Committee on Health Chairman Senator Christopher Bong Go ang tumataas na bilang ng mga bata na tinatamaan ng COVID-19 sa bansa.
Dahil dito ay umaapela si Go sa lahat na magtulungan at magmalasakit sa kapwa sa pamamagitan ng mahigpit na pagsunod sa health protocols at kung maari ay manatili sa bahay upang mapigil ang lalong pagkalat ng virus.
Pakiusap ni Go, huwag na nating hayaan na bumagsak ang ating healthcare system kung saan sa dami ng nagkakasakit ay hindi na sila maaasikaso pa ng mga ospital katulad sa nararanasan ng ibang bansa dahil sa pagkalat ng mas delikadong variant ng COVID-19.
Ayon kay Go, ginagawa naman ng gobyerno ang lahat kung saan binabalanse ang ekonomiya habang higit na pinapahalagahan ang kalusugan at buhay ng bawat Pilipino.
Nakikiisa rin si Go sa mga panawagan na pag-aralan kung pwedeng palawakin ang pagbabakuna at isama ang mga bata para sila ay maproteksyunan laban sa COVID-19.
Pinayuhan naman ni Go ang mga pwede ng magpabakuna na huwag mag-alinlangan para maproteksyunan hindi lamang ang kanilang sarili, kundi pati na rin ang kanilang pamilya, mahal sa buhay at kapwa.