Ipinahayag ng labor group Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na hindi dapat ipinagmalaki ng gobyerno ang pagbaba ng unemployment rate noong Abril dahil panandaliang trabaho lamang ang mga ito at hindi pangmatagalan o dekalidad na mga trabaho.
Sinabi ni TUCP Spokesperson Alan Tanjusay na bumaba ang unemployment rate noong April 2022 dahil nagkaroon ng seasonal at contractual na mga trabaho dahil sa kasagsagan ng local at national campaign at bilang paghahanda sa national and local elections noong May 9, 2022.
Ayon kay Tanjusay, marami ang nagkatrabaho noong panahong saklaw ng survey dahil sa dami ng mga temporary workers na kinuha ng mga kumakandidato upang tulungan sila sa maraming aspeto ng kampanya.
Dumami rin ang nagkatrabaho dahil kinakailangan sa pagpapaimprinta ng mga t-shirt, tarpaulins, at paggamit ng mga campaign paraphernalia upang makakuha ng boto ang mga kandidato.
Dumami rin ang nagkatrabaho sa logistics, transportation at pagtulong sa mga kandidato na kumampanya sa iba’t ibang lugar ng siyudad, rehiyon at ibang bahagi ng bansa.
Kasama na rito ang watchers at iba pang trabaho noong araw mismo ng botohan.
Klinaro ni Tanjusay na pagkatapos ng campaign period at pagkatapos ng national at local elections, agad din na mawawala ang mga panandalian at mga seasonal, mga temporary jobs na ito kasabay ng pagtatapos ng eleksyon.