Tuesday, February 10, 2026

PAGDAOS NG DOST 2026 REGIONAL SCIENCE, TECHNOLOGY, AND INNOVATION WEEK, PINAGHAHANDAAN NA SA DAGUPAN CITY

Pinaghahandaan na sa Dagupan City ang idaraos na 3-day DOST 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week na nakatakda sa Pebrero 16 hanggang 18, 2026, bilang bahagi ng mga aktibidad na magtatampok sa agham, teknolohiya, at inobasyon sa rehiyon.

Kahapon, Pebrero 9, ay isinagawa ang isang koordinasyon at talakayan kasama ang Department of Science and Technology (DOST) at Department of Education–Schools Division Office, kung saan tinalakay ang mga pangunahing aktibidad, seguridad, at daloy ng programa para sa naturang kaganapan.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng DOST, DepEd, lokal na pamahalaan, kapulisan, at iba pang tanggapan ng lungsod na inaasahang magiging katuwang sa maayos na pagsasagawa ng aktibidad.

Ayon sa mga tagapagpatupad, layunin ng Regional Science, Technology, and Innovation Week na mabigyan ng mas malawak na oportunidad ang mga mag-aaral at iba pang kalahok na mapaunlad ang kanilang kaalaman at kasanayan sa agham at teknolohiya sa pamamagitan ng iba’t ibang learning activities at exhibits.

Inaasahang magiging bukas ang tatlong araw na kaganapan sa iba’t ibang sektor, bilang bahagi ng patuloy na pagsulong ng kahusayan at inobasyon sa larangan ng science and technology sa lungsod at sa buong rehiyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments