Pagdaragdag ng mga pulis sa mga tourist destination sa bansa, iminungkahi ni Pangulong Bongbong Marcos

Ilang mga polisiya ang inilatag ngayon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., para palaguin pa ang sektor ng turismo sa bansa.

Sa inilabas na pahayag ni Pangulong Marcos, nais niya na madagdagan pa sana ang presensiya ng mga pulis sa mga malalaking tourist spots sa Pilipinas.

Aniya, makabubuting magkaroon ng maraming pulis sa mga beach upang may matatakbuhan agad ang mga turista sakaling kailanganin ang serbisyo o tulong ng mga ito.


Isa rin sa nais ng Pangulo ay ang pagkakaroon ng health facilities ng mga tinaguriang big tourist destinations gaya ng Boracay.

Ang ganitong klase ng set up o arrangment sabi ng Pangulong Marcos ay ipinatutupad sa mga beaches sa Hawaii at Thailand na malaking tulong talaga sa mga turista.

Matatandaan na una ng sinabi ni Pangulong Marcos na makakabuti na gawing mas madali ang pagtungo, paglilibot at pag-booking ng mga turista sa ilang tourist spot gayundin sa mga hotel kung saan sila pansamantalang mananatili.

Facebook Comments