Pagdaraos ng Senado ng pagdinig sa Socorro, Surigao del Norte, pina-plano na

Pinag-aaralan ngayon ni Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa kung tuloy ang pagdaraos ng susunod na pagdinig ng komite sa Socorro, Surigao del Norte patungkol sa mga isyu ng pagkakaroon ng shabu laboratory, pangaabuso sa mga kabataan at mga paglabag sa karapatang pantao ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI).

Ayon kay dela Rosa, target sana nilang magawa ang ikalawang imbestigasyon ngayong linggo pero tinitingnan pa nila ang schedule ng mga budget hearings sa Senado dahil kahit nakasession break ang Kongreso ay tuluy-tuloy pa rin sila sa pagdinig ng pondo ng iba’t ibang departamento.

Sinabi pa ni dela Rosa na bago makapagdesisyon ay kakausapin muna niya ang mga myembro ng komite kung papayag ba na sila ang magpunta sa Sitio Kapihan na kinaroroonan ng grupong SBSI na pinamumunuan ni Senior Agila o ni Jay Rence Quilario.


Kung ang senador ang tatanungin, mas gugustuhin niyang doon sa Socorro magsagawa ng pagdinig dahil mas kakaunti lang silang mga senador na babyahe hindi tulad kung sa Senado na mas maraming SBSI members ang pupunta doon at mas malaki ang gastos.

Hindi naman nangangamba si dela Rosa sa kanilang seguridad sakaling matuloy sa Socorro ang kanilang pagdinig dahil nariyan naman ang Philippine Army at Philippine National Police na maaaring magbigay seguridad sa kanila sa lugar.

Aniya pa, panahon na para ipakita ng gobyerno ang pagiging gobyerno at hindi pwedeng takot na nga ang ibang ahensya ay magpapakita rin ng takot sa grupo ang mga senador.

Facebook Comments