Muling nagbigay ng pag-asa sa mga Pilipinong namuhay ng takot mula nang magsimula ang pandemya noong nakaraang taon ang pagdating ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo kasabay ng rollout ng Sinovac at AstraZeneca vaccines sa iba’t ibang ospital sa bansa.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na kahit papaano sa panahon ng krisis ay napapawi ang pangamba ng mga Pilipino dahil sa pagdating ng mga bakuna.
“Matagal na panahon na, parang impatient tayo kasi nakikita natin itong mga bansa nagpapaturok na, nagroll-out na ng vaccination. Pero at last dumating na dito sa atin, so kahit papaano may certain degree iyong pag-asa na may padating na,” ani Robredo.
Pinasalamatan ni Robredo ang mga donor ng bakuna, ang Chinese Government at ang United Kingdom at ang World Health Organization (WHO).