Inihayag ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Roy Cimatu na siyang pinuno ng Cabinet Cluster on Climate Change Adaptation, Mitigation and Disaster Risk Reduction (CCAM-DRR) na lahat ng programa ng gobyerno ay nakatuon patungo sa deklasyon ng climate emergency.
Ginawa ni Cimatu ang pahayag makaraang hilingin ng environmental group na Greenpeace Philippines kay Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng climate emergency bilang policy instrument para tulungan ang Pilipinas na makamit ang pagnanais nito sa ilalim ng Paris Climate Agreement.
Bilang tugon sa panawagan, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kinokonsidera ng Chief Executive ang pagdedeklara ng climate emergency dahil na rin sa epekto ng climate change.
Ayon naman kay Cimatu, bago ang Pebrero 2020, inaprubahan ng Cabinet Cluster on CCAM-DRR ang resolusyon bilang suporta sa House Resolution No. 535 o “Declaring a Disaster and Climate Change Emergency” na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda noong November 2019.
Sinabi pa ni Cimatu na ang pagdedeklara sa climate emergency ay makatutulong sa bansa para maprotektahan ang ekonomiya, kalikasan at komunidad sa climate change.
Nitong Pebrero naman, inaprubahan ng Cabinet Cluster ng CCAM-DRR ang isa pang resolusyon na humihiling na kailangang i-consolidate ng gobyerno ang data para sa kautusang bumuo ng nationwide climate risk assessment.