Pagdedeklara ng ECQ, isang pag-amin na bigo ang COVID-19 response ng gobyerno ayon sa isang kongresista

Iginiit ng isang kongresista na isang pag-amin na bigo ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang muling pagdedeklara ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region at mga karatig lalawigan.

Ayon kay House Deputy Minority Leader Isagani Zarate, naging palpak ang gobyerno sa pagtugon sa krisis na dulot ng COVID-19 pandemic kaya’t napilitan silang magpatupad muli ng ECQ.

Paliwanag ni Zarate, hindi nakikinig ang pamahalaan sa mga rekomendasyon ng health experts noong una pa lamang.


Kagaya na lamang aniya ng hindi agad pagkakaroon ng agresibong contact tracing, isolation at treatment, libreng mass testing at ang mabilis na roll out ng bakuna.

Kasunod nito, iginiit ni Zarate na dapat tuluyan nang i-abolish ang Inter-Agency Task Force dahil sa pagkabigo umano nito sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments