Pinag-aaralan na ng pamahalaan ang pagdedeklara ng state of calamity sa mga lugar na pinadapa ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado, maaaring magamit ng mga local government units ang pondo para sa relief at rehabilitation efforts sa kanilang lugar kapag naideklara ang state of calamity.
Ang panukalang calamity declaration ay isa sa mga pag-uusapan sa meeting ng disaster relief officials ngayong araw.
Ang magiging resulta ng pulong ay isasapubliko lalo na sa Catanduanes at iba pang calamity-hit areas.
Sinabi ni Avisado na maaaring gamitin ng national government ang ilang pondo para sa muling pagbangon ng mga lugar na tinamaan ng bagyo.
Nasa ₱3.6 billion ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) habang ang contingency fund ay nagkakahalaga ng ₱10.1 billion.
Kapag naubos ang local calamity funds, maaaring tulungan ng government agencies ang lokal na pamahalaan gamit ang kanilang quick response fund.