Sinuportahan ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., ang pagdedeklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng “state of calamity” sa apat na rehiyon sa halip na sa buong bansa matapos ang paghagupit ng Bagyong Paeng.
Ayon kay Revilla, pabor siya sa ‘targeted approach’ ng pangulo sa pagtugon sa mga matinding sinalanta ng bagyo.
Para kay Revilla, sapat na ang anim na buwan na pagsasailalim sa “state of calamity” sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Kampante ang senador na mas matututukan at maisasagawa agad ang rehabilitasyon sa mga nabanggit na rehiyon gayundin ay mabibigyan ng prayoridad ang pagkakaloob dito ng tulong at kinakailangang pondo.
Sa ibang lugar aniya na napinsala rin ng Bagyong Paeng ay uubra rin naman ang pagdedeklara ng ‘state of calamity’ ng mismong local government unit lalo na kung kinakailangan.