Monday, February 2, 2026

Pagdedeklarang “sufficient in form” ng dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr., inirerespeto ng Palasyo; PBBM, nababahala sa epekto nito sa ekonomiya

Inirerespeto ng Malacañang ang naging pasya ng Kamara kaugnay ng mga impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ito ay matapos ideklarang sufficient in form ang dalawang impeachment complaint sa pag-arangkada ng pagdinig ng House Committee on Justice ngayong Lunes.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na batid ng pangulo na wala siyang ginawang mali na maaaring mauwi sa pagpapatalsik sa kaniya sa pwesto.

Gayunman, inamin ni Castro na nababahala si Pangulong Marcos Jr. sa posibleng epekto ng impeachment proceedings sa ekonomiya ng bansa.

Kasunod ito ng babala ng isang mambabatas na maaaring magsilbing senyales ng political instability sa international community ang mga hakbang na ito.

Kasabay ng pag-usad ng impeachment laban sa pangulo, inihain din ngayong araw ang dalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon sa Palasyo, wala silang kinalaman sa paghahain ng mga reklamo at ipinauubaya na lamang nila sa Kongreso ang magiging kahihinatnan ng impeachment proceedings.

Facebook Comments