Pinadi-disqualify sa Comelec ng grupo ni dating TESDA Director General Atty. Guiling “Gene” Ampang Mamondiong si Lanao del Sur Gov Mamintal Adiong.
Si Mamondiong ay tumakbo sa pagka-gubernador ng Lanao del Sur.
Bukod sa Petition for disqualification laban kay Governor Adiong, hiniling din ni Mamondiong na ideklara ang failure of midterm election sa Lanao del Sur at Marawi City.
Bunga anila ito ng malawakang dayaan sa nasabing mga lugar noong Mayo a-trese partikular ang pre-shading ng mga balota, vote buying, terorismo at karahasan.
Tinukoy din ni Sultan Panundatoon Bagul ang tinatawag na “3-in-one” o ang vote buying package sa halagang sampung libo hanggang labing-limang libong piso sa bawat botante na boboto mula Kongresista, Gubernador at Bise-Gubernador.
Nagsumite rin ang grupo ng mga larawang ebidensya raw ng pre-shading ng ilang board of election inspectors sa Lanao del Sur.
Nais din ni Mamondiong na ipawalang bisa ng ang proclamation ng Provincial Board of Canvassers ng Lanao del Sur kay Adiong.
Nais din ng petitioner na magtakda ang Comelec ng Special election sa naturang lalawigan.
Bukod kay Mamondiong, tumatayo ding petitioner sa kaso sina Hatta Dimaporo, Agakhan “Binladen” Sharief at Sultan Bob Datimbang.