Para kay Administration Senator Francis Tolentino, dapat itigil na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatanggol sa mga kaibigang nakakaladkad sa imbestigasyon ng Senado ukol sa umano’y overpriced na pandemic supplies.
Sabi ni Tolentino, kung mabibigyan sya ng pagkakataon ay ito ang ipapayo niya kay Pangulong Duterte.
Paliwanag ni Tolentino, nagawa na ng pangulo ang kanyang punto ukol sa kontrobersyal na mga transaksyon sa pagitan ng Pharmally Pharmaceutical Corporations at Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).
Diin ni Tolentino, mainam na hayaan nang magpatuloy ang mga imbestigasyon.
Gayunpaman, nilinaw ni Tolentino na ang pagdepensa ni Pangulong Duterte sa mga kaibigan ay hindi pagkunsinti sa katiwalian kundi pagpapakita o pagpapahalaga sa pakikipagkaibigan.
Itinuturing naman ni Tolentino, na personal na pahayag ng pangulo ang mga banat nito sa mga senador na nag-iimbestiga sa isyu.
Pero paalala ni Tolentino, dapat ay pahalagahan ang separation of powers sa pagitan ng Ehekutibo at Lehislatura at ang pagrespeto ng mga ito sa bawat isa.