Pagdinig muli ng Senado sa pagtugon ng gobyeno sa pandemya, inihirit ng ilang Senador

Sa pamamagitan ng isang liham ay hiniling ng ilang Senador kay Senate President Tito Sotto III na muling i-convene ang committee of the whole para busisiin ang pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19 pandemic.

Kabilang sa lumiham ay sina Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Minority Leader Franklin Drilon, Senators Francis Pangilinan, Risa Hontiveros, Leila de Lima at Nancy Binay.

Ayon kay Pangilinan, sa muling pagdinig ay target na mabusisi ang pinagagamitan ng mga pondong inilaan sa laban natin sa pandemya kasama ang distribusyon ng ayuda sa mga low income families sa National Capital Region (NCR) plus bubble.


Diin ni Pangilinan, sa pagpapatupad ng quaratine ay kwarta rin ang kailangan ng marami kaya inaasahang pagdinig ay matutukoy ang mga ahensyang may nakaimbak pang pondo na maaring gamitin sa COVID-19 response.

Pangunahing binanggit ni Pangilinan na maaring gamiting pondo ang ₱31 billion na nakatengga sa PITC o Philippine International Trading Corporation.

Umaasa din si Pangilinan, na sa muling pagdinig ay masasagot ang kakulangan ng mass testing at contact tracing sa gitna ng ginawang pagpapatupad muli ng Enchanced Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments