Nagtakda na ng pagdinig ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hinggil sa hirit na taas-pasahe ng mga transport group.
Ayon kay LTFRB-NCR Regional Director Atty. Zona Tamayo, 2 petisyon ang isasalang sa hearing sa Marso 8.
Kabilang dito ang hiling na dagdag na P5 sa pamasahe at hiling na ibalik sa dating P10 ang pamasahe sa jeep.
Giit ni Tamayo, binabalanseng mabuti ng LTFRB ang sitwasyon dahil marami ang maaapektuhan sakaling magkaroon ng taas-pasahe.
Kaugnay nito, hinihingi rin nila ang opinyon ng ibang ahensya ng gobyerno para magabayan sila sa pagdedesisyon.
Samantala, tiniyak din ni Tamayo na habang wala pang desisyon sa mga petisyon ay tuloy-tuloy naman ang mga programa ng ahensya na makakatulong sa mga tsuper at operator sa gitna ng sunod-sunod na oil price hike.