Pagdinig ng senado sa nangyayaring smuggling sa produktong agrikultura at isyu sa Customs, umarangkada na

Sinimulan na ng Senado ang Public Hearing hinggil sa nangyayaring talamak na smuggling sa produktong pang-agrikultura sa bansa at mga isyu sa Bureau of Customs.

Mismong si Senate President “Tito” Sotto ang nangunguna sa ikinakasa ngayong pagdinig ng Senate Committee of Whole kung saan sa kaniyang pahayag, iginiit ng senador na sa pamamagitan nito ay malalaman ang totoong dahilan kung bakit hindi matigil-tigil ang nasabing iligal na gawain na nakakasira sa industriya at kabuhayan ng magsasaka.

Aniya, paraan na rin ito para maihayag ng mga grupo o samahan sa sektor ng agrikultura maging ang mga magsasaka ng kanilang mga hinaing dahil sa nangyayaring smuggling.


Bukod kay Sotto, naglabas rin ng pahayag si Sen. Kiko Pangilinan at ayon sa senador, naniniwala siya na may malalaking tao o opisyal ng Gobyerno ang nasa likod ng mga gumagawa ng smuggling.

Sinabi ni Pangilinan na hindi ito magagawa basta-basta ng mga negosyante ng walang tumutulong o buma-back up sa kanila na nasa Gobyerno.

Isa-isa rin inilatag ng mga grupo o samahan sa sektor ng agrikultura ang kanilang mga datos kung paano nakaka-apekto sa kanilang ang nangyayaring smuggling.

Bukod sa mga senador at samahan sa sektor ng pang-agrikultura, kasama sa ikinakasang pagdinig ngayong araw ang ilang opisyal at tauhan sa Trucking Sector, Department of Agriculture (DOA) at Bureau of Customs (BOC) partikular si Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Facebook Comments