Pagdinig ng Senado sa smuggling ng mga agricultural products, itinakda na sa susunod na linggo

Itinakda na sa December 14 ang imbestigasyon ng Senate Committee of the Whole sa patuloy na smuggling ng mga agricultural products.

Ayon kay Senate President Tito Sotto na chairman ng Senate Committee of the Whole, kabilang sa mga ipapatawag sa pagdinig ay mga opisyal ng Bureau of Customs (BOC), Department of Justice (DOJ) at kinatawan ng mga magsasaka at trucking industry.

Sa kanyang privilege speech ay binigyang diin ni SP Sotto na dapat maparusahan ang mga taga-BOC na nakikipagsabwatan sa mga smugglers.


Giit ni Sotto, dapat makulong ng habambuhay ang mga ito at mapagbayad ng doble sa halaga ng na-smuggle na produkto kasama ang tax, duties at iba pang charges.

Pinuna ni Sotto na mula nung Mayo 2021 hanggang Nobyembre 18, 2021, ay madalas ang press release ng Customs ukol sa kanilang anti-smuggling operations kung saan may nasabat na puslit na frozen meat, high value agricultural food, sibuyas, bawang, asukal, frozen mackerel, tuna at iba pang produkto.

Sabi ni Sotto, Naidokumento ng kanyang tanggapan ang 25 anti-smuggling operations na ang kabuuang halaga ay aabot sa isang bilyong piso.

Pero ayon kay Sotto kung susuriin, ay mukhang PR lamang o press release ang mga ito dahil hindi tugma ang dami ng anti-smuggling operations sa aktwal na kaso na dinadala sa korte.

Binanggit ni Sotto, na bubusisiin sa pagdinig kung naipatutupad ba ng BOC ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016 kung saan nakapaloob na economic sabotage ang large scale smuggling ng agricultural products na nagkakahalaga ng isang milyong piso pababa o 10 million piso sa kaso ng rice smuggling.

Facebook Comments