Ipinagpaliban ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig ngayong araw patungkol sa sugar smuggling dahil hindi nakadalo ang mga inimbitahang cabinet officials partikular ang mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) na sabit sa isyu.
Ang imbestigasyon ng Blue Ribbon ay kaugnay sa Senate Resolution 497 na inihain ni Senator Risa Hontiveros kung saan ipinasisiyasat sa Komite ang pagdating sa Batangas Port ng mahigit 200 containers ng asukal mula sa Thailand bago pa man mailabas ang Sugar Order # 6.
“No show” ang mahahalagang resource persons na sina Agriculture Senior Usec. Domingo Panganiban, National Economic Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual, at dating Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator David John Alba.
Dumalo naman sa pagdinig si Executive Secretary Lucas Bersamin at ipinaliwanag nito kung bakit hindi nakapunta sa hearing ang mga nabanggit na opisyal.
Paliwanag ni Bersamin, si Panganiban ay nasa Washington DC para sa isang official mission, si Balisacan ay nasa Vancouver, Canada dahil sa naunang scheduled trip, habang si Pascual ay nasa Indonesia at dumalo sa isang ministerial conference at tatagal doon hanggang sa ASEAN summit.
Samantala, si dating SRA administrator Alba ay nasa Australia dahil sa health concerns at may prosesong pagdadaanan na tatagal hanggang Hunyo.
Minabuti naman ni Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino na suspendihin ang imbestigasyon dahil hindi mahahalukay nang husto ang lahat ng detalye sa kontrobersyal na sugar smuggling kung mismong ang mahahalagang resource persons ay wala sa pagdinig.