Pagdinig sa budget ng DPWH sa Kamara, ipinagpaliban

Ipinagpaliban ng House Committee on Appropriations ang pagdinig ngayong araw sa 2021 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ito ay kasunod na rin ng naging mosyon ni Minority Leader Benny Abante, matapos masita na hindi “physically” present si DPWH Secretary Mark Villar, bukod pa sa dalawa lang sa anim na Undersecretaries ng ahensya ang present sa plenaryo.

Maliban dito, napansin din ng mambabatas ang hindi maayos na internet connection.


Bago ang deferment sa pagdinig sa pondo ng ahensya ay kinwestyon ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves ang pagkakaiba-iba sa pondo ng mga infrastructure projects sa bawat lugar sa bansa.

Tinukoy ng kongresista na malinaw na bawat distrito ay pantay-pantay na may 10% para sa infra projects.

Bagama’t hindi binanggit ni Teves kung anong mga distrito ang pinaglaanan ng malaking infrastructure project, sinabi nito na wala siyang kinakalaban sa kanyang pagbubunyag sapagkat kaibigan niya si Speaker Alan Peter Cayetano habang kaklase naman si Deputy Speaker Lray Villafuerte.

Paliwanag naman ni DPWH Secretary Mark Villar, may ilang distrito o lugar na may mataas na pondo para sa infra dahil kadalasan na naroon ang mga itinatayong flagship na proyekto.

Samantala, tumaas naman ng ₱85 billion ang pondo ng DPWH sa 2021 na nasa ₱667.3 billion mula sa ₱581 billion ngayong 2020.

Facebook Comments