Pagdinig sa budget ng PCOO, sinuspinde

Sinuspinde ng House Committee on Appropriations ang pagdinig sa budget ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Ito ay kasunod ng pag-alma nila ACT Teachers Rep. France Castro at Bayan Muna Rep. Carlos Zarate sa ginagawang terrorist-tagging sa kanila ni Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa social media.

Ipinakita ni Castro ang facebook post ni Badoy kung saan naroon ang larawan ng mga kongresista ng MAKABAYAN at nakasaad na sila ay mga terorista at hindi mga aktibista.


Agad na nagmosyon si Castro na isuspinde ang pagdinig sa PCOO budget na sinegundahan naman ni Zarate.

Giit ni Zarate, minamasama nila ang post ni Badoy dahil malinaw dito na tinatawag silang terorista gayundin ay hindi umano sila mga tunay na mambabatas.

Dahil umano sa post ay nadamay din sa mga banta at pananakot ang kanilang mga pamilya.

Sinabi ni Zarate na hindi sila papayag sa ganitong mga terrorist-tagging laban sa kanila gayong tuwing budget season ay sa kanila namang mga mambabatas lumalapit ang mga ahensya katulad ng PCOO.

Ang ginawa ng Undersecretary ay hindi lamang aniya pangdudusta sa kanilang mga progresibong mambabatas kundi ito ay malinaw din na pang-aalipusta sa buong institusyon ng Kongreso.

Ipinaalala pa ni Zarate na sila ay mga halal na opisyal ng taumbayan at dapat maging responsable si Badoy sa kanyang mga social media posts.

Umapela naman si Communications Secretary Martin Andanar na ang post ni Badoy ay sa sarili niyang account at hindi ito kumakatawan sa buong ahensya kaya hindi dapat maapektuhan ang budget ng PCOO.

Facebook Comments