Ipinagpatuloy ng Department of Justice ang preliminary investigation sa kaso ng pagpatay kay Subic businessman Dominic Sytin na founder at chief executive officer ng United Auctioneers, Incorporated.
Si Dominic ay binaril at napatay sa harap ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone noong November 28, 2018 at nasugatan naman sa pamamaril ang kanyang bodyguard na si Efren Espartero.
Dumalo kanina sa pagdinig ang gunman na si Edgardo Luib at ang sinasabing mastermind sa krimen na si Dennis Sytin, kapatid ng biktima.
Samantala dumating din kanina at isinumite ni Dr.Raquel Fortun ang anim na pahinang resulta ng isinagawa niyang review sa naunang forensic examination, habang naghain naman ng kani-kanilang mga sinumpaang salaysay ang mga testigo ni Dennis na sina: Jonar Anciano, Daniel Doligon, Elsie Guanga, Rogelio Tangcoy, Jason Cabigting.
Una nang nagsampa sa DOJ ng reklamong murder at frustrated murder ang maybahay ni Dominic na si Ann Marietta Sytin.
Itinakda naman sa May 7 (2pm) ang susunod na pagdinig para sa paghahain ng counter affidavit ni Luib at sa nasabing araw tutukuyin kung kailan magsusumite ng reply affidavit ang CIDG.