Manila, Philippines – Sinimulan na ng House Committee on Justice ang pagdinig sa impeachment complaint laban sa pitong Supreme Court Justices kasama na dito ang bagong talagang Chief Justices Teresita De Castro.
Pitong magkakahiwalay na reklamo ang inihain ng ilang myembro ng Magnificent 7 laban kina De Castro, Justices Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Francis Jardeleza, Noel Tijam, Andres Reyes Jr., at Alexander Gesmundo.
Ang reklamo ay nag-ugat sa ginawang pagpapatalsik kay dating CJ Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ng solicitor general kung saan iginiit na sinasagaan ng Hudikatura ang kapangyarihan ng Kamara na magpatalsik ng isang impeachable official.
Ang grounds ng impeachment complaint ay Culpable Violation of the Constitution at Betrayal of Public Trust.
Sa pagsisimula ng impeachment proceedings sa Kamara, tiniyak ni Justice Committee Chairman Doy Leachon ang pagiging sagrado ng proseso sa ilalim ng Saligang Batas.
Ito na ang pang-apat na impeachment case na inihain ngayong 17th Congress kung saan unang impeachment complaint na inihain ay kay Pangulong Duterte, pangalawa ay kay dating COMELEC Chairman Andres Bautista, pangatlo ang kay dating CJ Maria Lourdes Sereno at pang-apat ang sa pitong SC Justices.
Samantala, inalis naman bilang complainant si Akbayan Representative Tom Villarin.
Paglilinaw ni Leachon, tanging sina Albay Representative Edcel Lagman, Magdalo Representative Gary Alejano at Ifugao Representative Teddy Baguilat lamang ang mga complainants dahil hindi nakapirma dito si Villarin.
Umapela naman si Villarin kung maaari itong mag-participate sa proseso pero ito ay tinanggihan ni Leachon dahil ito ay paglabag sa rules ng komite.
Sa nagpapatuloy na pagdinig, nagmosyon naman si Ako Bicol Representative Alfredo Garbin na i-consolidate na ang pitong magkakahiwalay ng reklamo dahil pareho lamang ito ng nilalaman.
Ngayong umaga ay tutukuyin ng komite kung may sapat na form at substance ang inihaing reklamo laban sa pitong Justices.