Ipinagpaliban ng Makati City Regional Trial Court Branch 150 ang dapat sanay unang araw ng pagdinig sa binuhay na kasong rebelyon laban kay Sen Antonio Trillanes IV.
Ito’y matapos pagbigyan ni Makati RTC Branch 150 Judge Elmo Alameda ang hiling ng abugado ni Trillanes na si Atty Reynaldo Robles na i-antala ang pagdinig dahil mayruon itong importanteng pupuntahan ngayong araw na hindi na maaari pang ipagpaliban.
Ayon kay Atty Diosfa Valencia, clerk of court ng Makati RTC Branch 150 iniurong ang pagdinig sa Mayo a-27 alas dos ng hapon.
Matatandaang nabuhay ang rebellion case laban kay Trillanes matapos bawiin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang amnestiyang iginawad dito ni dating Pangulong Noynoy Aquino.
Ipinaaresto ng korte ang mambabatas kasunod ng pagbuhay sa kasong rebelyon pero pinayagan naman itong makapagpyansa.
Samantala, sinabi din ni Atty Valencia na hindi pa nila natatanggap ang kopya ng ruling ng Court of Appeals na bumabasura sa apela ni Trillanes na itigil ang paglilitis ng Makati RTC Branch 150 sa kaso nitong rebelyon.