Pagdinig sa Maharlika Investment Fund, ipinagpatuloy ng Senado ngayong araw; ilang sektor, hati ang suporta sa MIF Bill

Ipinagpatuloy ngayong araw ang pagtalakay ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies sa isinusulong na kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.

Sa ikatlong pagdinig sa itinutulak na sovereign wealth fund, nagpahayag ng suporta si Philippine Stock Exchange President Ramon Monzon para sa pagpapatibay ng MIF Bill ng Kongreso.

Ayon kay Monzon, kaisa ang PSE sa adhikain ng mga economic manager na magkaroon ng sovereign fund ang bansa na magpapahusay sa paggamit ng resources ng gobyerno sa pamamagitan ng paglalagay sa mga government fund sa mga investment na magreresulta sa malaking kita para mapondohan ang mga socio-economic policies ng bansa tulad ng mga big-ticket infrastructure projects, countryside development, at poverty reduction.


Inihalimbawa pa ni Monzon na sa 148 na sovereign wealth funds sa buong mundo, hindi lahat ng pondo rito ay mula sa surplus funds o sobrang pondo at yaman ng isang bansa.

Ilan aniya sa mga itinatag na sovereign wealth funds ng ibang mga bansa, ang pinagkunan ng pondo ay galing sa private sectors, ang iba ay galing sa bayad sa pagpapaupa ng mga foreign military bases, national social security fund, kontribusyon mula sa national investment holding entity, government funds at mga foreign partners na inalok na maging co-investors sa iba’t ibang assets.

Samantala, sinabi naman ni National Development Company (NDC) General Manager Antonilo Mauricio na wala naman silang posisyon para sa isinusulong na MIF.

Paliwanag ni Mauricio, hindi naman kasi sila kasali sa pagbuo ng sovereign wealth fund mula pa sa umpisa pero naniniwala ang NDC na malaking tulong ang pagkakaroon ng MIF para maging katuwang sa pagpupunan ng mga investment gaps pagdating sa pagbibigay suporta sa mga MSMEs, infrastruture at iba pang small at moderate-sized projects.

Facebook Comments