Pagdinig sa pagpaslang kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo, ipinagpaliban muna ng Senado

Hindi na muna gagawin ng Senado ang planong imbestigasyon sa Miyerkules kaugnay sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Ayon kay Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs Chairman Senator Ronald “Bato” dela Rosa, nagdesisyon ang kanyang komite, na siya sanang mag-iimbestiga sa pagpatay sa gobernador, na ipagpaliban muna ang pagdinig para dito.

Ito ay para bigyang daan ang Philippine National Police (PNP) at ang Department of Justice (DOJ) sa pagbuo at pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek sa pagpatay kay Degamo at para hindi rin makahati sa atensyon ang Senado.


Sa ngayon ay wala pang sinabi ulit si Dela Rosa kung kailan itatakda ang imbestigasyon ng Senado sa kaso ng pamamaslang sa gobernador.

Magkagayunman, sakaling makapagsampa ng kaso laban sa mga suspek ngayong linggo sa piskalya ay posibleng sa susunod na linggo ay makapagdaos na sila ng imbestigasyon.

Ang nasabing pagsisiyasat ay batay na rin sa resolusyong pinagtibay ng buong Senado kung saan kinukundena ng mga senador ang karumal-dumal na pagpatay kay Degamo at sa iba pang local government official na pinaslang at tinambangan.

Facebook Comments