Dalawang beach guard, sinuntok ng lasing na Canadian national sa isla ng Boracay

Boracay – Posibleng mahaharap ngayon sa kasong Direct Assault Upon an Agent of Person in Authority ang isang Canadian national matapos na manuntok ng dalawang beach guard sa harap ng isang bar sa Station 2, Brgy. Balabag, Boracay, Malay, Aklan kaninang madaling araw. Kinilala ang suspek na si Robert James Vaughan, 38-anyos at nagbabakasyon sa isla. Base sa police report na habang nagsasagawa ng pag-roving ang dalawang miyembro ng beach guard ng LGU-Malay sa lugar na sina Jhoven Daog at Jomar Viray, parehong 23-anyos at mga residente ng Brgy. Manocmanoc, Boracay ay napansin nila ang suspek na lasing, nagsisigaw at naghahamon ng away. Dahil dito ay sinubukan ng dalawang beach guard na pakalmahin ang suspek pero sa halip na makinig at pinagsabihan nito ng masasakit na salita at hinamon ng away ang dalawa hanggang sa huli ay pinagsusuntok na niya ito at tinamaan sa dibdib. Agad naman na nagresponde ang mga miyembro ng Malay PNP sa lugar at inaresto ang suspek na sa ngayon ay naka kulong na ito para sa karampatang disposisyon.
Facebook Comments