Ikinakasa na ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Tito Sotto III ang pagdinig ukol sa patuloy na paggamit ng face shield sa bansa.
Base sa Senate Resolution number 757 na inihain ni SP Sotto, target alamin sa pagdinig kung epektibo ba ang pagsusuot ng face shield para pigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Aalamin din ang scientific study na ginawa ng mga health expert na siyang pinagbasehan ng mandatory na pagpapagamit ng face shields sa Pilipinas.
Ayon kay SP Sotto, layunin ng pagdinig na mabusising mabuti ang mga umiiral na health and safety protocols kaugnay sa COVID-19 pandemic.
Una rito ay inihayag ni SP Sotto na base sa isinumiteng report ng Department of Health (DOH) sa Senado ay lumalabas na hindi pa napapatunayan sa mga pag-aaral ang proteksyon ng face shield laban sa COVID-19.
Sabi ni SP Sotto, malinaw rin sa report na dito lamang sa Pilipinas inoobliga ang paggamit ng face shield kasabay ng face mask.
Dahil dito ay nagtatanong si SP Sotto kung sinong genius at eksperto ang nambola sa gobyerno at nagtulak sa paggamit ng face shield na dagdag gastos at pahirap lang sa publiko.