Pagdinig sa resolusyong nananawagan ng pakikipagtulungan ng pamahalaan sa ICC, bahagi ng proseso ng Kamara

Ipinaliwanag ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez na bahagi ng proseso ng House of Representatives ang pagdinig sa inihaing resolusyon ng mga miyembro nito.

Inihayag ito ni Romualdez makaraang simulan na ng House Committee on Human Rights at Committee on Justice ang pagdinig sa mga resolusyong nananawagan sa gobyerno na makipagtulungan sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) kaugnay sa war on drugs ng Duterte administration.

Ang nabanggit na mga resolusyon ay inihain ng Makabayan Bloc noong October 17 at nina Manila Rep. Bienvenido Abante at 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez noong November 20.


Ayon kay Romualdez, ang pagbasa at pagdinig sa naturang resolusyon ay katulad din ng pinagdaraanan ng iba pang resolusyon at panukalang batas kung saan hindi siguradong aaprubahan ito ng plenaryo dahil kailangan pa itong pagbotohan ng mga miyembro.

Samantala, mariin namang pinabulaanan ni Romualdez na siya ang nasa likod ng nabanggit na mga resolusyon taliwas sa sinabi ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque.

Sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang pahayag ni Roque pero kaniyang iginiit na walang itong katotohanan lalo na ang alegasyong planong pagpapabagsak kay Vice President Sara Duterte kaugnay sa pampanguluhang halalan sa 2028 elections.

Facebook Comments