Pagdinig sa Resorts World Manila incident, tatapusin na ngayong araw

Manila, Philippines – Tatapusin na ng Mababang Kapulungan ang joint hearing kaugnay sa Resorts World Manila incident na ikinasawi ng 38 katao.

Ayon kay House Committee on Games and Amusement Chairman Gus Tambunting, tatapusin na nila ngayong araw pero magkakaroon pa ng isang closed door hearing kung saan ang pagbuo naman sa committee report kaugnay sa kanilang imbestigasyon ang gagawin.

Ngayong araw ang ikatlong beses na pagdinig sa malagim na trahedya sa RWM kung saan humarap na ang ipinasubpoena na Chairman of the Board ng Travellers International Hotel Group na si David Chua Ming Huat.


Binasa ni Chua ang kanyang opening statement kung saan ito humingi ng paumanhin dahil bigong makadalo sa mga naunang pagdinig sa Kamara.

Nagpahayag din ng simpatya si Chua sa pamilya ng mga nasawi at nasaktan sa insidenteng kagagawan ng nag iisang gunman na si Jessie Carlos na nakaapekto sa maraming indibidwal.

Ayon kay Chua, sa kabila ng insidente ay naniniwala pa rin sila sa matatag na oportunidad sa bansa para sa pamumuhunan kaya may balak pa ang travellers international hotel group na mag expand ng negosyo dito.

Umaasa din ang RWM na agad silang makakapagsimula ng rebuilding at nangakong hindi ikukumpromiso ang seguridad ng kanilang pasilidad at ang kaligtasan ng kanilang staff at mga parukyano sa oras na makapagbukas na muli ang kanilang operasyon.

Aminado siyang ang insidente ay hindi lamang wakeup call sa kanila kundi maging sa buong bansa.

Facebook Comments