Kasado na sa susunod na linggo ang pagdinig ng Senado ukol sa naging pagtugon ng mga kinauukulang ahensya na ngayon ay nagtuturuan matapos ang malaking pinsala ng magkakasunod na bagyo at malawakang pagbaha.
Ayon kay Miguel Zubiri, layunin ng pagdinig na maplantsa kung saan nagkaroon ng pagkukulang o pagkakamali lalo na sa pag-release ng tubig mula sa mga dam na nagdulot ng matinding pagbaha sa ilang lalawigan sa Luzon.
Tinukoy ni Zubiri ang pahayag ng National Irrigation Administration (NIA) na kailangan nila ng go signal mula sa PAGASA para makapagpakawala ng tubig sa mga dam ng mas maaga na maaring nakapigil sa malawakang pagbaha.
Pero giit ng PAGASA, ang NIA ang may full control sa dam discharge operations.
Dagdag ni Zubiri, inaasahang malilinawan din sa pagdinig ang reklamo ng lokal ng pamahalaan ng Albay na wala silang natanggap na warning kaugnay sa pagragasa ng lahar kaya hindi nila ito lubos na napaghandaan.
Diin naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), sinunod nila ang protocol sa pagpapalabas ng bulletins sa mga kinauukulang tanggapan pero hindi ito naikalat ng Local Government Units (LGUs).
Sa hearing ay inaasahan din ni Zubiri na masasagot ang mga tanong kung sino ba talaga ang overall in charge sa disaster management gayundin ang klarong function ng head ng Office of Civil Defense (OCD) at head ng National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRRMO).